header_learn_active.jpgPosted 01 May 2009 Sa ilang taon kong naging PGBI Guardians at sa mga chapters na aking napuntahan at nakadaupang palad, masasabi kong napakaganda ng samahan ng PGBI Guardians. Dangan nga lamang, merong ilang bahagi na hindi natin maalis na naligaw na ng landas sa kadahilanang nawalan sila ng mga pinuno o lumipat sila ng ibang lugar na tinitirhan kung kaya't hindi na naging madali ang pagiging aktibo sa samahan. Meron ding ibang nalihis na ng layunin at nalimutan na ang tunay na layunin ng Guardians ayon sa mga preseptong nakasulat sa ating PGBI Saligang Batas (CBL-Constitution and By-Laws) na nagsisilbing pundasyon ng Samahang Guardians. Merong ibang naging aktibo sa iba't ibang mga layunin na hindi naayon sa Saligang Batas ng PGBI Guardians subalit hindi natin sila masisi sapagkat marami pa din siguro ang hindi lubos na nakakaalam kung ano ba talaga ang samahang ating kinaaaniban.



Marahil sa mga ordinaryong mamamayan, naiiba ang kanilang perspektibo pagdating sa Samahang Guardians. Ano nga ba ang Guardians? Sila ba ay grupo ng mga Militar or Para-Militar na mga tao at para saan ba ang samahang ito? Ang Guardians ba ay itinatag para sa anong layunin?  Siguro ay ito ay iilan lamang sa mga katanungang maaring umiinog sa kaisipan ng mga ordinaryong mamamayan ng ating lipunan pagdating sa Samahang Guardians.

Ang PGBI Guardians ay isang organisasyong nakarehistro sa ating Securities and Exchange Commission bilang isang non-stock, non-profit organization na kung saan ang layunin ay "Magsilbi sa Bayan o sa Komunidad" kung saan naroon ang mga sangay o chapters ng Guardians.  Kung kaya makikita natin sa Bawat Makabagong Logo ng PGBI Guardians ang mga katagang "We Serve!" Ang ating samahan ay itinatag sa preseptong dapat na tayo ay magbigay ng Serbisyo Publiko sa ating komunidad na kinabibilangan.



Sa aking opinyon, ang katagang iyon ay merong malalim na kahulugan.  Kahulugang nagkakaiba sa interpretasyon ng bawat kasapi ng Samahang Guardians. Ganunpaman, iisa lamang ang nararapat na layunin ang "Magsilbi Sa Bayan." Ngunit paano nga ba ang magsilbi sa bayan? Dapat bang maging militar o maging empleyado ng sangay ng gobyerno para maisagawa ang pagsisilbi sa bayan o sa komunidad? Sa aking payak na opinyon, hindi naman po siguro. Ang Samahang Guardians ay kabilang sa mga pribadong sektor ng mga NGOs (Non-Governmental Organizations) na maaring magbigay ng tulong sa publiko sa anumang paraang naayon sa batas.Maaring ito ay sa mga paraang pangkomunidad tulad ng mga Outreach Programs para sa mga kababayan nating hikahos sa kabuhayan(mapakasapi man o hindi) tulad ng Medical at Dental Missions, Disaster Preparedness Trainings, Food Feeding Programs at maging mga iba pang Serbisyo Publikong maaring saklawan ng ating samahan.


Ang Guardians ay kinabibilangan ng mga kasaping nagmumula sa lahat halos ng sektor ng ating lipunan mapamahirap man o mayaman, may posisyon man o wala. Sa ating samahan hindi pinaguusapan ang kulay ng balat, ang katayuan sa buhay at hindi rin sinisino kung ikaw ba ay mahirap o mayaman.  Ang samahan ay naglalayong magsilbi sa abot ng makakaya hindi lamang sa mga miyembro o mga kasapi nito kundi pati na din sa komunidad nitong kinabibilangan.



May mga lungsod at bayan na akong napuntahan na masasabi kong kakaiba ang Samahang Guardians. Naroong minsan ng ako ay nasa Davao, sobrang late na ako sa tinalagang boarding time ng Flight ko papuntang Manila.  Ganunpaman, ako ay pumasok pa din sa check-in area at ako ay tinanggihan na ng Ground Stewardess at sinabi sa aking late na nga daw ako at paalis na ang eroplano. Subalit nagulat na lamang ako ng merong isang lalaking Supervisor ng Davao Airport na "Bro!" din natin na lumapit sa akin at sabi sa akin, "RMG, what time ang flight nyo?" Sabay bati at kamay sa akin sa pamamaraang itinuro sa atin sa Guardians.  Sabi ko, "Nalate ako Bro! Dapat dyan na ako sa flight na yan sasakay. Paalis na yata ang eroplano." Nagulat na lang ako ng sabi nya sa akin, "Sige RMG samahan ko kayo sa loob, nandyan pa naman ang eroplano. Puwede pa pong magsakay. Ako na po ang bahala." Sa madaling salita, nakasakay ako sa eroplano at nakauwi dito. Dangan nga lang dahil sa pagmamadali, ni hindi ko natandaan ang Pseudonym ng kapwa Bro na tumulong sa akin. Hindi bale sabi ko makikita ko pa rin naman siguro sya sa susunod na byahe ko sa Davao.



Ika nga natin sa mga ka-Guardians Brothers and Sisters natin, kahit saang lugar na merong Guardians at mangailangan tayo ng tulong, hindi tayo hihindian at iiwanan ng ating mga kapatid sa samahan. Totoo po iyon!



Isa pang hindi ko malilimutang pangyayari ng minsang meron akong nilalakad na permiso o business registration sa Makati para sa aking maliit na negosyo noon,na sa di ko malamang kadahilanan ay ayaw bigyan ng Baranggay Captain ng permit to operate gayong lahat naman ng naayon sa batas na requisito ay tinupad na namin. Lahat na yata ng mga pinapunta ko mula sa aming opisina sa Baranggay ay hindi nabigyan ng permit. Ang naisip ko, hindi kasi ako lehitimong taga Makati, tubong Parañaque ako kaya siguro ayaw akong bigyan ng permiso upang magnegosyo sa naturang lungsod. 



Minarapat kung ako na ang maglakad ng lahat ng mga proseso ng mga permiso para sa lungsod na iyon. Sa aking paglalakad ng papeles at sa pagtatanong tanong, nalaman ko Guardians pala ang Permit Division Chief ng Lungsod ng Makati, Si "Supremo Pablo Glean."  Hindi na ako nagalinlangan, linakasan ko na ang loob ko at siya ay aking nilapitan.  Sa madaling salita, ako po ay nabigyan ng Business Permit ng Lungsod ng Makati para po sa business na itinayo namin kahit na kami ay hindi nabigyan ng Baranggay Permit.  Ayon nga po sa Supremong iyon, "nagcomply ka naman sa lahat ng requirements Bro kaya walang dahilan para hindi ka mabigyan ng permiso na magnegosyo dito."  Sa kasamaang palad nga lamang, siya ay wala na at nasawi ng taong 2006 ngunit kahit kailan hinding hindi ko siya makakalimutan sapagkat nakita ko sa kanya ang tunay na kahulugan ng Samahang Guardians.



IIlan lamang yan sa mga nakakatutuwang mga pangyayari na naranasan ko sa pagiging kasapi ng ating samahan. "We Serve" ika nga sa nakasaad sa logo natin.  Unconditionally, unquestionably, dapat siguro iyan ang maging layunin ng bawat isa sa tulad nating mga kasapi ng Guardians.  Sa ganang akin, pangangatawan ko na magsilbi sa abot ng aking makakaya sa ating samahan at sa komunidad at sa ating bansa. 



Sana ito din ang maging layunin nating lahat.  Ika nga nila sa wikang Ingles, "Don't Count What Others Could Do For You But Rather Think and Act on the Countless Things that You Could Do for Others."  Sana let us all drive towards "Peace, Integrity, Justice, Equality, Service and Prosperity" in the name of Service for Others!